PRESIDENT SONA
STATE OF THE NATION ADDRESS
JULY 2012
Benigno S. Aquino III, Third State of the Nation Address, July 23, 2012
links:
FULL TRANSCRIPT:
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce
Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga
dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang
ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga
kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga
kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga
pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong
nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang
hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikatlong
SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang
kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na
daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang,
hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas
mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa
kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi
ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo,
namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong
gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming
mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong
napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa
pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking
prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang
kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko.
Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas
Militar. Tinanong tayo noon, “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi
ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang
demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa
mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa
pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating
kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador
ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon,
tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas,
laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North
Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon,
nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang
labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima,
naging dalawa. Ang masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang
nito, now na.
Nariyan ang walang
pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga
ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa
kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang
pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita
mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang
panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang
bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang
66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44
billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga
naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t
anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang
kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos.
Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan
para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito,
ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng
kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong
boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at
paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at
ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong
buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo
para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa amin.
Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang taon bago
magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na
pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay
mang nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan
sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino.
Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon,
karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating
ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng
relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at
hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po
ito.
Ang wang-wang sa lansangan,
galing na lang sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng
gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso,
ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma:
tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at
ipinakita sa mundong open for business under new management na ang
Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia,
ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit
rating action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba
pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine Stock Exchange index,
nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda. Ngayon,
sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa
pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo,
at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong
first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya
ang layo niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast
Asian region; pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. [Applause]
Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang dumadagsa.
Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong po namin, ang sabi ay,
“Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una
naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isa pong malaking bangko sa
Inglatera, kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi, maisali sana
sila sa ating kinukunsulta sa usapang pinansyal.
Sa bawat sulok ng mundo,
nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg
Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the Philippines.” Ang Foreign
Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari
daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.” [Applause]
Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global
Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.”
At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang
bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot
ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa
tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang
Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng
dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang
ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. [
Applause]
Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8
milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng
proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa
lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD:
May 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up. Idagdag pa
natin, 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio,
tigdas, at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi
na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang
dumating tayo, animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang
naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat
sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o
buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng
mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2
million na pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household
Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa
benepisyo ng PhilHealth. [Applause] Dahil po sa No Balance
Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue,
pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga
catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute
leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng
pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno.
Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang
maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga
briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang
nakakakita ng health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas
malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw
nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating
pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga
Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.
Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo,
umabot na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa
ilalim ng RNHeals Program. [Applause] Idagdag pa po natin sa
kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health Teams na
nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor at
nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang
ang mga nurse kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil
sa tamang targeting, kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause]
sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala
po ang ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng
Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo,
ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema po ang
natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work
experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay walang
mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang
dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo
makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan.
Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng
kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang
kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang
pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang
mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon. Alam naman po ninyo,
ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing
siguradong-sigurado na tayo, pero nakakaengganyo po ang mga paunang
resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng
mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na
insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may
1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: mukhang
nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang
reduction po ito. [Applause] Sa bayan ng Ballesteros at
Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng
2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso
ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang
po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina
Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, [Applause] Wala ho tayong masyadong umento, baka sa palakpak n’yo’y ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang
solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng
bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang
pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang
Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad,
at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng
Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. [
Applause] Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong
sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila
unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang
nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin
kay Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang
minana nating 66,800 na kakulangan sa silid-aralan. [
Applause]
Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang ho this year. Ang
minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating
matutugunan bago matapos ang 2012. [
Applause] Sa taon din pong
ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang
maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [
Applause]
Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating
huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po,
Responsible Parenthood ang sagot dito. [
Applause]
At para naman po hindi
mapag-iwanan ang ating mga State Universities and Colleges, mayroon
tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa kanilang budget para sa
susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat ng ginagawa
natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na
ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED
at ng kaukulang state universities and colleges, upang siguruhing
dekalidad ang magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng
estado. Kung mataas ang grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong
dodoblehin din namin ang kayod para matugunan ang mga natitirang
pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang
nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng
DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala
natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. [Applause] Noong 2010,
21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan
upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. [Applause]
Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes
para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki
sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon o magsasabi pa ring
binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang
inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter and applause] At sana po, sa mga klaseng ‘to, pakiusap namin, sana itong klaseng remedial na nga eh pasukan naman po ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan
ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng
pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin
paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng
negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang
industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago
matapos ang taon, bawat bata ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan
ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral
ka.”
Kung masama ang loob ninyo na
ang 5.2 million na pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang
pumasok sa ospital nang hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot,
tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong
gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may
tatlong milyong pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng
kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila,
mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik ko kayo sa kawalan ng
pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung
kailan choice lang ng makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang
dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang
problema, wala palang nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang
voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit
isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t
isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad
ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause]
hindi siya nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad
sa kanyang ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA,
434,676 na indibidwal pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training
for Work Scholarship Program. [Applause] Kongkretong tagumpay
din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship Program (mas
mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo, bawat isa sa
5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos
kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum
wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang
sa pagkabinata, gumagana na ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro
nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin, para
tumabla lang, kailangang makalikha taun-taon ng isang milyong bagong
trabaho para sa mga new entrants. Ang nalikha po natin sa loob ng
dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit
pababa nang pababa ang unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo,
eight percent ang unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011,
at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba
makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat
ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang
BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa
industriyang ito. Fast forward po tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang
trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito sa
ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection nga po, pagdating ng
2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na
ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na mga
Pilipino. [Applause] Hindi pa po kasama rito ang tinatayang
aabot sa 3.2 million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store,
karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na
malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi din po ng
ating job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na
imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman
ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po
ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid. Bago matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. [Applause] Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. [Applause]
Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato,
Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa
Palawan. [Applause] Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po
akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take
off at nag-landing dito: maging mga problema’t anomalya, lumapag din.
Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa
susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana
natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na
ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na
magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite. [Applause]
Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at
mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway,
magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang
mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na
lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga
ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad
na terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus
biyaheng probinsya, [applause] upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng
usapan tungkol sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan.
Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod
ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang
kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon
ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin
ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera.
Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa
kanila ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo
rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno,
bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang
trapik, ang dami kasing ginagawa.” [Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan,
hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na
sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa
mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang
pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239
kilometers sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. One
thousand five hundred sixty-nine kilometers na nito ang naipaayos natin
sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause]
sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati
po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at inaayos na
gamit ang pinakabagong teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito,
upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national
road network, maayos na po. Siyempre ‘wag lang po n’yo dagdagan ang
national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati
sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng
bidding at procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang
ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. [Applause] Maging mga
kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po
nila, “Ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang
pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada
ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng
imprastruktura ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang
tourist arrivals sa ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo
noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million. Mantakin po ninyo: sa
hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag nilang tourist
arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan.
Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang
napalapag. [Applause] Mas marami pang dadagsa sa peak season
bago matapos ang taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang
quota na 4.6 million na turista para sa 2012. [Applause] Ibig
sabihin po, 1.5 million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid,
sa dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist
arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at
kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po
tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si
Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7
million na turista noong 2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17
million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa ating bansa, hindi
naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng 2016,
sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. [Applause]
Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas
nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New
Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang
pahayag nga po natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause]
Kahit wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez,
nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma.
Masasabi nga po nating pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have
Secretary Mon Jimenez as our Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan,
nasa tuktok ng listahan ang agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary
Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita. Binisita po niya ang
lahat ng probinsya hindi para mangampanya sa sarili pero para ikampanya
ang programa ng Department of Agriculture. Dati, para bang ang
pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve billion
pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177
billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala
tayo na 1.3 million metric tons ang kakulangan sa bigas, at para
tugunan ito, ‘di bababa sa two million metric tons ang kanilang inangkat
noong 2010. Parang unlimited rice sila kung maka-order ng bigas, pero
dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3
million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000
metric tons. [Applause] Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary
Alcala: ang susi dito, makatotohanang programa sa irigasyon, at
masigasig na implementasyon ng certified seeds program. [Applause]
Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad.
Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang
industriya ng niyog at ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon,
napapakinabangan na ng magsasaka. Noong 2009—483,862 liters ng cocowater
ang iniluwas natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010.
Huwag po kayong magugulat, noong 2011, 16,756,498 liters [applause]—puwede
ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng
Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may
shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang
pagkakataong ito. Bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng
bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa
susunod na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog.
Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang
Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang
programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema
upang mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng
pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang
mga lupaing diniligan at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon
pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa
kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan,
at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang
lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang
nangyayari sa sektor ng enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot
lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall, “energized” na raw ang
buong barangay. Kaya ganoon na lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent
na raw ng mga barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba naman sa
serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng Pilipino,
nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at
NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na
1,300 sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos
sila, ang napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos
lamang sila ng 814 million pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa
loob lamang ng tatlong buwan, at mas marami pa pong gagawin dito
hangga’t matapos ang 36,000 sitiong walang kuryente. Kay Secretary Rene
Almendras, bilib talaga ako sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng
enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready, nagmistulang
energizer bunny ka pa—you keep on going, and going, and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang
liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa
madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino,
hindi na magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong
bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009,
mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011.
Dagdag pa rito, ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping
noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba; 966 na lang po iyan
pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng
ating mga headline. Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng
nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat magalit na nangalahati
na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa kulungan,
hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at
naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin
ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus
bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung
isa, humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong
sangkot sa ilegal na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw
ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen.
Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang
dumating tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang
walang baril at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng
masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa bidding,
tinitiyak na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto.
Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating inaasahan ito,
maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang
ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” [Laughter]
Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin
ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang
isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t
walong bilyong piso para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito
ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing
programa sa nakalipas na labinlimang taon. [Applause]
Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan. Kapag naipasa na ang
panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo
ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang
tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa
Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP.
Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating
mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang
Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored
personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang
karelyebo ng
BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP
Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; [
applause] ngayon, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung
maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil
darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan.
Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t
anim na taon nang rumoronda sa himpapawid. Dalawa pang C-130 ang
magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito,
inaasahan nating maide-deliver na ang binili nating dalawampu’t isang
refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga
radyo’t iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile
diagnostic laboratories, kasama na ang bullet station assembly para sa
arsenal. [Applause] Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang
sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light
lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa
armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan.
Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit
dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP
housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa
pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa
pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa
kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal
nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong
araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang
na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po
nating ang ilang mga benipisyaryo ang magsabi sa pagbabago ng buhay po
nila:
[Video starts]
“Nagpapasalamat sa Poong Maykapal.
Binigyan kami ng ganitong pagkakataon—binigyan ng blessing na ganito.
Pangalawa, ‘yung pagkakaroon nating ng mabait na pangulo. Itong proyekto
na ito ay hindi niya kami pinababayaan—mga kapulisan at mga
sundalo—sandatahan ng ating Pilipinas.” - SPO1 Domingo Medalla [PNP
Housing Beneficiary]
“Kinakaya namin, Ma’am. Pero ginagawan
ko talaga ng paraan na makapasok sila [sa eskuwela]. ‘Yun lang talaga,
ma’am, ang misyon ko sa buhay na mapaaral sila, maibigay ko ‘yung tamang
edukasyon, na hindi maging gusgusin ang anak ko, hindi kaawa-awa[an] ng
mga tao, may magulang na dapat magtaguyod. At, napapasalamat ako sa
Pantawid [Pamilya Program], ma’am, dahil may natutunan ako ditong
malaki.” - Eva Neri [CCT beneficiary]
“Malaking tulong na isa kami—ang alam ko kauna-unahan na nakinabang
at nakikinabang pa sa package na ‘to na Category Z Package ng
Philhealth. Nagpapasalamat kami nang sobra at hindi man maganda na
nagkaroon ng sakit ang anak ko, pero mayroong PhilHealth na tutulong at
handang tumulong sa mga gastusin namin.” - Kristine Tatualla
[PhilHealth beneficiary]
“Noong araw na nasama sa isang
Oakwood Mutiny—‘yung pinaglalaban namin, ito na po ‘yung hinihintay
namin para sa pagbabago at ito na po ang pagkakataon natin para
magkaroon tayo ng sariling bahay lalong lao na sa programa ng ating
presidente na si Benigno Aquino III.” - PFC Rolly Bernal [AFP Housing
Beneficiary]
[Video ends]
At ngayon ngang inaaruga na
sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na
makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at
tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772
na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po, ang kilabot na
teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim.
Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na
matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na
barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang
naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po
ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga
mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa
ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost students doon, na maglalakad
sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa
isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor
Mujiv Hataman: [
applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang
may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi
lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission,
gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya.
Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating
paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng
pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang
pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang
kaluluwa. [
Applause] Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit
na: pabahay, tulay, at learning center para sa mga Badjao sa Basilan.
Mga community-based hatchery, lambat, materyales para maglinang ng
seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified
seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong namumunga para sa
145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan; nakalaan na ang 183
million pesos para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4
million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para
sa malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang
pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85
billion pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan
lang po iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na
ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa
ARMM. [Applause] Lilinawin ko rin po, hindi pa kasama rito ang
taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7
billion pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating
gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng reporma. Kinikilala natin
bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang pitong buwan, kung
kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng MILF. Sa
peace process naman po, hayag at lantaran ang usapan. Nagpapamalas ang
magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging
masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit
ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po
ang prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order
ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus:
mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat ang buhay ng
Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na salinlahi.
Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung
ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang
ito. Isipin po ninyo, noong 2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga
na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam
na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari
ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta sa Pilipino.
Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas na
sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan
ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang
makukuha natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang
situwasyon sa Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang
gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa
Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino ang ayuda, at
may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang
sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong
minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang isang dike. Nang nagising
ang atin pong barangay captain, tinangay na ng baha ang kanyang pamilya
at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang buong
mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno;
nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po
ang marami sa tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami
pong nasawi sa paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng
bagong-lunsad na
Project NOAH,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at
hindi na rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit
ang teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang
makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang
pakinabang ng walumpu’t anim na automated rain gauges at dalawampu’t
walong water level monitoring sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago
matapos ang 2013, ang target natin: animnaraang automated rain gauges
at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water level sensors. Ipapakabit po
natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing river basins sa buong
bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati,
ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda,
kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan
para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang
mga programa sa tree planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na
lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng
kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito.
Mayroon na pong 128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa;
bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago
tayo bumaba sa puwesto. [
Applause] Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng
National Convergence Initiative.
Ang proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga
komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno;
mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. Three hundred
thirty-five thousand seventy-eight na po ang mga Pilipinong nakakakuha
ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa,
nakiambag din ang pribadong sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi
ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan silang alagaan at
siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng mga puno, na
habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas
tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin ng
ani. Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang
pribadong sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa
matatayog na puno. [Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag ang
EO 23,
nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong pisong
halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang ito;
paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska
ng DENR, lalapag sa mga komunidad na naturuan na ng TESDA ng
pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga pampublikong paaralan na
hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo, ang dating pinagmumulan ng
pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan. Dati,
imposible nga ito; imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa
ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang
konsensya; kayong mga paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa
Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang araw po ninyo. [Applause]
Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP
provincial director, at pitong chiefs of police. Pinagpapaliwanag na rin
po natin ang isang Regional Director ng PNP na nagbingi-bingihan sa
aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa
kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli
man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na
rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa
pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa Pilipino. At
sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang
pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng
pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot
sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y
nagulat dito: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang
kada buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at
pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi
na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng
ating old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng
gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa
entry level. Pero kapag sabay kayong na-promote ng kaklase mong piniling
mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan;
pero sa ngayon, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan:
Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak ang palakad ng isang
ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng
empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng
makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga
mahusay magtrabaho. Nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil
parehas lang naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga
hakbang natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo
ng sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa
kanilang mga target para sa taon. [Applause] Nasa kamay na ng
empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot
ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa
iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na
matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi
lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa
ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa
sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila
at sila lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa
lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang
corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin pong
mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang
simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating
pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang pamumuhunan sa Pilipinas.
May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak
at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan
ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang
laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang
pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng
puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng
pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng
gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng
buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang
pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso
para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng
tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan kailangan.
Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at
mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa
agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang
presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang
ekonomiya.
Tunay nga po, ang matatag at
malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang
pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig.
Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at
ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng
ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig
ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa
mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin,
angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto
sa atin.
Naging maugong ang mga
kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa
ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at nasabad sa kanilang mga barko
ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang
batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang
Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong West
Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa,
kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on
the Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas
natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis na
hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo
nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po
siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating
karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa
bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na
nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo.
Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang
kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo? Hindi naman po
yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa
sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas
natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng
ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon,
at hindi magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo, kumokonsulta
tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa
kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang
makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na
daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring
pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga
nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi;
naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita
lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang
magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para
makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito.
Forgive and forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive
and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa
kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin sa
ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba
para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban,
dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong
masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba
para sa mga naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa
Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and forget?” [Applause]
Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok
na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang
tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause] Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at
pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan.
Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa dating
pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan
ang nasaksihan natin noong ikadalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na
iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na
ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. [Applause] Noong
araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na
nagsabing, “Posible palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng
court interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging
Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan.
Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho natin
ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na
katarungan, matapos man ang ating termino. [Applause] Marami
pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi
magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang
malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang
tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin:
Kung inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang
mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o
gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan
din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, [applause]
sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin,
puwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na
ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang
malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng
granada sa bahay. [Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong
pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag,
sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalistang o komunista din
patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang ipinapatupad
natin.
Bilib po ako sa inyong
pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng
katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. Salamat din
po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de
Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa
pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding
pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo,
kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa
sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo.
Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating
kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: Hindi
natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto,
sa isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang
naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na
ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act,
upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon:
ang bawat nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay,
paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang
kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng
piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat
na napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong
kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang
taon.
Pagtabihin po natin ang
dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na ating
pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang
kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At
kung kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung
kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa
panig ninyo?
Paparating na naman po ang
halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan. Ang
tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin
sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t paatras, pabalik sa daan
na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong
nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa
atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid ang ganito
kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno: Walang pong imposible. [Applause]
Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging
boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila
mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na
ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na
magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi
imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing, “Ang Pilipinas ay
sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na ang
Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na
dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. [Applause] Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon,
hiniling ko sa taumbayan, magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong
pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan natin,
kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa
pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat. [Applause]
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang
pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko,
kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo,
panganib, at pambabatikos. Kaya maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang
masamain dahil personal ko silang papangalanan: Kina Father Catalino
Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa aking
buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang pagsubok sa amin,
maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong
SONA, tatlo na lamang din po ang natitira. Papasok na po tayo sa
kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko sa
inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat
ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo
bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas.
Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse,
midwife, o doktor na piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong
graduate na piniling magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang
Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng mundo; sa bawat kawani
ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang gumawa ng
pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang
ina na nagsasabing, “Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang
tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang
bata na nagsasabing, “Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong
makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang
OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko na muling pangaraping tumanda
sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang
Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa
aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito,”
ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na
haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente
sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na
nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: Kayo ang
gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po, posible na ang
dating imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi
ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino.
Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa lahat. [Applause]
From the Website of GPH